DFA, iginiit ang alok na repatriation sa mga Pinoy sa Nicaragua

Muling iginiit ngayon ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang kanilang alok na repatriation sa Filipino community na nasa Nicaragua sa gitna ng tumintinding tensyon doon.

Sa inilabas na statement ng DFA, hindi pa naman apektado ang 86 na Pilipino sa Latin American country subalit sa pangamba na madamay ang mga ito sa gulo, handa ang gobyerno ng Pilipinas na tulungan silang makauwi nang ligtas sa bansa.

Pinayuhan naman sila ni Foreign Affairs Secretary Alan Peter S. Cayetano na manatiling mapagbantay sa sitwasyon at maging handa sa anumang posibleng mangyari.

Sabi pa ng kalihim na sa ngayon tatlong Pinoy pa lamang mula sa capital city ng Managua ang nagpa-repatriate sa ahensya at nakabalik na sa ‘Pinas noon pang Hulyo 10.

Ang krisis sa Nicaragua ay nag-ugat sa mga polisiya ng gobyerno na nakatuon para baguhin ang kanilang social security system sa pamamagitan ng pinababang benepisyo at pinataas na buwis.

Bagama’t iniatras na ng Nicaragua government ang naturang panukala, hindi naman nito napigilan ang pagpapatuloy ng karahasan sa iba’t ibang lugar kung saan lalong tumindi ang problema sa riot at looting o pagnanakaw na nagsimula pa noong Abril. | ulat ni Shane Juan