Determinasyon ng probable cause vs Gen. Albayalde, ipinauubaya sa Senado

Hands off ang MalacaƱang sa posibilidad ng paghahain ng kaso kontra kay General Oscar Albayalde.

Ayon kay Chief Presidential Legal Counsel at Spokesperson Salvador Panelo, depende na sa itinatakbo ng imbestigasyon sa Senado kung sasampahan ng asunto ang nagbitiw na Chief PNP.

Kung may makita aniyang probable cause sa ginagawang pagsisiyasat kay Albayalde, ay tiyak na magkakaroon ng rekomendasyon na ito ay makasuhan, at kung wala naman ay tiyak na walang demandahang mangyayari.

Bukod sa Senado na una ng sinabi ng Palasyo na kanila ding minomonitor, ay may imbestigasyon ding iniutos sa Department of the Interior and Local Government (DILG) tungkol sa isyu ng ninja cops.

Sumabit si Albayalde sa isyu ng ninja cops matapos na maibulgar ni dating Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) chief at ngayon ay Baguio City Mayor Benjamin Magalong, ang umano’y papel ni Albayalde sa recycling ng mga nakumpiskang iligal na droga sa raid sa Mexico, Pampanga noong 2013.