Detalye ng tax relief para sa medical oxygen manufacturers, ipinauubaya sa economic managers at Kongreso

Ipinauubaya na ng Malacañan sa economic managers ng pamaahalaan ang detalye o pagbalangkas ng percentage ng tax relief, na iaalok sa mga manufacturer ng medical oxygen.

Pahayag ito ni Presidential Spokesperson Harry Roque, kasunod ng sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte, na hihilingin aniya sa Kongreso na mabigyan ng tax relief ang producers o manufacturers ng medical oxygen bilang panlaban sa Delta variant ng COVID.

Ayon sa kalihim, ang tax relief na ito ay pang-engganyo ng mga kumpanya upang magkapag-supply pa ang mga ito ng mas maraming medical oxygen, na kakailanganin ng bansa sakaling sumipa ang mga kaso ng Delta variant.

Sa kasalukuyan aniya, wala pang eksaktong percentage na nabanggit ang pangulo para sa tax relief.

Kaugnay nito, tiwala naman ang Palasyo na dahil sa kooperasyon ng Ehekutibo at Kongreso, mapapabilis naman ang pagpapasa ng batas para dito.

“So hayaan na muna po natin na ang economic managers propose to Congress the exact figure. And I’m sure naman with the level of cooperation being extended by Congress, mapapabilis po ang pagpasa ng batas na ito.” —Secretary Roque.