Detained Sen. Leila de Lima, muling humarap sa korte sa pagdinig ng kanyang kasong disobedience to summons

Natapos na ang cross examination kay House Justice Committee Chairman Reynaldo Umali sa kasong disobedience to summons laban kay Senadora Leila de Lima.

Nag-ugat ang kaso sa pagpayo umano ni De Lima sa dating nakarelasyong bodyguard/driver na si Ronnie Dayan na huwag sumipot sa congressional hearing ng Kamara hinggil sa Bilibid drug trade sa kabila ng ipinadalang subpoena ng komite.

Personal na dumating si De Lima ngayong hapon sa huling araw ng cross examination kay Umali sa Quezon City Metropolitan Trial Court Branch 34.

Sa pagtatanong ng abogado ni De Lima, kinumpirma ni Umali na hindi kasama sa commmittee report ng lupon ang rekomendasyong kasuhan sina de Lima at Dayan dahil mas pinagtuunan ng pansin ng mga mambabatas ang pagsisiyasat sa drug trade sa loob ng New Bilibid Prisons (NBP).

Dagdag ni Umali, si Dayan ay provisionally admitted na rin noon sa ilalim ng Witness Protection Program ng Department of Justice matapos magawaran ng congressional immunity para malayang makatestigo laban kay De Lima.

Muling binigyang diin ni Atty. Boni Tacardo, ang legal counsel ni De Lima na ang kaso laban sa senadora ay parte lamang ng persecution.

Itinakda naman ng korte sa June 13 ang susunod na hearing sa kaso ganap na alas-2:00 ng hapon.

Inaasahang ihaharap ng prosekusyon ang photographer na si Perfecto Camero na siyang kumuha ng litrato ng text message ni de Lima sa anak ni Dayan.

Matatandaang sa naturang mensahe, pinayuhan umano ni De Lima si Dayan na huwag sisipot sa hearing ng Kamara dahil pagpipiyestahan lamang daw sila at pahihiyain sa publiko. | via Shane Juan