Detained Sen. De Lima, muling humarap sa korte para sa pagdinig ng kanyang kasong ‘disobedience to summons’

Muling humarap sa Quezon City Metropolitan Trial Court (MTC) Branch 34 si detained Sen. Leila de Lima para sa pagdinig ng kanyang kasong ‘disobedience to summons.’

Pasado alas-dos ngayong hapon dumating sa QC Hall of Justice ang convoy ni Sen. De Lima na nanggaling sa Philippine National Police (PNP) Custodial Center sa Camp Crame.

Ilang supporters naman ni De Lima ang sumugod sa loob ng city hall at kanilang ipinanawagan ang pagpapalaya sa senador.

Matatandaang nag-ugat ang naturang kaso sa pagbalewala umano ni De Lima sa summons ng Kongreso at pagpigil umano nito sa kanyang dating driver/bodyguard na si Ronnie Dayan na humarap sa House inquiry sa pamamayagpag ng illegal drug trade sa loob ng New Bilibid Prison (NBP).

Iniharap sa hearing si Perfecto C. Camero ang House of Representatives photographer na sinasabing nakakuha ng litrato sa palitan umano ng text messages ni De Lima at ng anak ni Dayan na si Hannah Mae patungkol sa naturang alegasyon.

Sa susunod na pagdinig sa August 2, ihaharap umano ng prosekusyon si Ronnie Dayan para tumestigo laban sa senador.

Naging mahigpit naman ang ipinatupad na seguridad ng pulisya kaya’t hindi nagkaroon ng pagkakataon ang media na makuhanan ng pahayag si Sen. De Lima.

Sina House Justice Committee Chairman Rep. Reynaldo Umali, House Speaker Pantaleon Alvarez at House Majority Floor Leader Rodolfo Fariñas ang complainants sa disobedience case.

Si Sen. De Lima ay nahaharap sa patung-patong na kaso na may kinalaman sa umano’y paglakas ng NBP drug trade noong siya pa ang kalihim ng DOJ at ang akusasyong tumanggap ito ng drug money. | ulat ni ashamed Juan

Photo courtesy: Office of Sen. Leila De Lima