Destinasyon ng mga pasahero, hindi na makikita ng Grab drivers bago tanggapin ang isang booking

Kinumpirma sa Radyo Pilipinas ni Brian Cu, ang pinuno ng Grab Philippines na umpisa sa Araw ng Biyernes, April 27 ay hindi na makikita ng kanilang TNVS drivers ang destinasyon ng pasahero bago tanggapin ang isang booking.
 
Ang bagong feature na ito sa kanilang mobile application ay upang matigil na ang problema sa kanselasyon ng biyahe na ikinaiirita ng maraming mananakay.
 
Sa pamamagitan nito, ayon kay Cu, maiiwasan ang pagiging ‘mapili’ ng kanilang mga drivers dahil 25% sa mga ito ay responsable sa 70% ng mga naitatalang ‘ignored bookings’ sa kanilang sistema.
 
Paglilinaw naman ni Cu, walang direktang kinalaman ang kanselasyon sa oras na malaman o makita ng isang Grab driver ang destinasyon dahil mai-uugnay ito sa kondisyon ng trapiko o di kaya ay kung mali ang pick up location ng pasahero.
 
Kaugnay nito, kailangan namang i-update ng mga nagmamaneho sa Grab Philippines ang kanilang mga impormasyon para na rin sa kaligtasan ng mga commuters.
 
Maipapatupad ang bagong direktiba matapos ang ginawang konsultasyon ng Grab Philippines sa Department of Transportation (DOTr). | via Shane Juan