Desisyon sa murder case ni Kian delos Santos, pagpapamukha sa ICC na gumagana ang judicial process sa bansa – Malacañang

Itinuturing ng Palasyo na ang mabilis na aksiyon ng korte sa kaso ni Kian delos Santos ay pagpapamukha sa International Criminal Court o ICC na wala talaga itong karapatang manghimasok sa judicial process ng bansa.

Ito ang binigyang-diin ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo kasunod ng hatol na reclusion perpetua kontra sa tatlong pulis Caloocan kaugnay ng kaso ng pagpatay kay Kian delos Santos.

Sabi ni Panelo, isang matibay na testimonya o mensahe sa ICC ang mabilis na aksiyon ng korte sa kaso ni Kian na itinuturing na isa sa pinakamabalis na pagdinig sa mga heinous crime case.

Patunay ani Panelo na gumagana ang judicial system sa bansa, na kaiba naman sa nais palabasin ng mga detractor ng administrasyon na pilit sumasakay sa ideya.

Kahayagan din ayon sa tagapag-salita ng Pangulo na mali ang ICC sa pagsasabing walang kapabilidad ang klase ng hustisya sa Pilipinas para papanagutin ang mga kriminal sa bansa.  | ulat ni Alvin Baltazar