Desisyon ng Korte Suprema hinggil sa mosyon ni Sen. Trillanes, hindi na ikinagulat ng Malacañang

Inaasahan na ng Malacañang ang nilabas na desisyon ng Korte Suprema hinggil sa inihaing mosyon ng kampo ni Sen. Antonio Trillanes laban sa Proclamation 572 na nagpapawalng-bisa sa amnestiya ng senador.

Ayon kay Chief Presidential Legal Counsel Attorney Salvador Panelo, malinaw naman na kulang ang pinasang requirements para sa amnestiya ni Trillanes.

Hindi rin aniya nagsabi ng katotohanan si Trillanes na inamin niya ang kanyang kasalanan dahil wala siyang maipakitang patunay dito.

Matatandaang sa sinumiteng motion ni Trillanes, hinihiling nito sa Kataas-taasang Hukuman na pigilan ang implementasyon ng Proclamation 572 ng Pangulong Rodrigo Duterte at mag-isyu ng Temporary Restraining Order (TRO) para mapigilan ang pag-iisyu ng arrest warrant laban sa kanya.

Ngunit sa desisyon ng Korte Suprema, ibinalik nito sa Makati Regional Trial Court ang kaso at ipinaubaya na dito ang pagtupad sa kanilang tungkulin na dinggin ang mosyon ni Trillanes. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion