Desisyon ng kapwa mahistrado ni dating Chief Justice Sereno hinggil sa ‘quo warranto petition’, patunay lang na iligal ang pagiging punong mahistrado nito — Palasyo

Tama lang na nanaig at pinaboran ng mas nakararaming Supreme Court justices ang ‘quo warranto petition’ na una nang inihain kay dating Supreme Court Justice Ma. Lourdes Sereno.

Ayon kay Presidential Chief Legal Counsel Atty. Salvador Panelo, napatunayan lang sa naging botohan ng mga mahistrado na iligal ang pagkakaluklok ni Sereno bilang punong mahistrado ng Kataas-taasang Hukuman.

Pinunto pa ni Panelo na mangyayari lang ang Senate impeachment kung sa simula pa lamang ay wala nang kuwestiyon hinggil sa liderato ni Sereno sa Korte Suprema.

Ngunit ngayong may pasiya na aniya ang mismong mga kasamahan ni Sereno na nagpatalsik din sa kanya sa puwesto, wala nang saysay na umabot pa sa impeachment proceedings ang sitwasyon ng dating chief justice.

Muli ay nanindigan si Panelo na walang kamay ang Palasyo sa ‘quo warranto petition’ at ito aniya’y inisyatibo ni Solicitor General Jose Calida. | via Alvin Baltazar