Designasyon ng NDF bilang terrorist organization, pinuri ni Esperon

Pinuri ni National Security Adviser Hermogenes Esperon ang designasyon ng Anti-terrorism Council (ATC) sa National Democratic Front (NDF) bilang isang Terrorist Organization.

Ayon kay Esperon, matagal nang dapat isinama ang NDF sa Communist Party of the Philippines РNew People’s Army (CPP-NPA) bilang terroristang grupo at mismong si CPP Founding Chair Jose Maria Sison pa ang nagbunyag ng relasyon ng NDF at CPP-NPA noong 1987.

Ang pahayag ay ginawa ni Esperon sa lingguhang press conference ng National Task Force to end the local communist armed conflict (NTF-ELCAC).

Sa naturang press confernce, sinabi naman ni Dir. Gen. Alex Monteagudo ng National Intelligence Coordinating Agency (NICA), na ngayong designated nang teroristang organisasyon ang NDF, maari nang ma-freeze ng Anti money laundering council (AMLAC) ang mga bank accounts nito.

Kasalukuyan na aniyang pinag-aaralan ng AMLAC ang mga naturang bank account, gayundin ang mga accounts ng 20 indibidual na unang na designate bilang mga terrorista.

Ang designasyon ng NDF bilang terrorist organization at nakapaloob sa ATC Resolution No. 2021 na nilagdaan noong June 23 at inilabas kahapon, July 19.