Deputization ng PNP at AFP para sa BOL plebiscite, inilabas ng Malacañang

Inilabas ngayon ng Malacañang ang Memorandum Order 34 na nagde-deputize sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) para sa nakatakdang Bangsamoro Autonomous Region plebiscite sa darating na Enero 21.

Ang inisyung memorandum order ay alinsunod na rin sa itinatakda ng COMELEC resolution 10454 na bukod sa Komisyon ay may kapangyarihan din ang Presidente na bigyan ng deputization ang militar at pulis sa panahon ng eleksiyon at plebisito.

Dahil dito’y inaatasan ang nasabing mga law enforcement agency na agad na makipag-ugnayan sa Commission on Elections upang mapag-usapan na ang kanilang magiging trabaho sa papalapit na plebisito.

Nilagdaan ang Memorandum Order 34 nuong pang Disyembre a-beinte otso ngunit ngayon lamang inilabas ang nasabing dokumento.

Tuloy na tuloy na ang plebisito para sa Bangsamoro Organic Law matapos na magpasiya ang Korte Suprema na huwag maglabas ng temporary restraining order na pipigil sana sa pagkakaruon ng BOL plebiscite. | ulat ni Alvin Baltazar