Dept of Energy, may paalala sa LGUs ukol sa power outage sa gitna ng COVID-19 vaccination

Maglalabas ng abiso ang Department of Energy (DOE) para paalalahanan ang electric cooperatives at local government units ukol sa protocol sakaling magkaroon ng power outage sa lugar lalo na sa kasagsagan ng COVID-19 vaccination.

Kasunod ito ng napaulat na pinsala sa 348 vials ng COVID-19 vaccine na gawa ng Chinese firm na Sinovac sa Makilala, North Cotabato dulot ng kawalan ng kuryente.

Batay sa impormasyong nakarating sa DOE, hindi naikonekta ng municipal health workers sa main line ang cooling equipment mula sa ginamit na generator set nang maibalik ang kuryente.

Inabot umano ng dalawang araw bago mabatid na nakapatay na ang genset at wala nang suplay sa cooling equipment para sa mga bakuna.

Ayon kay Energy Secretary Alfonso Cusi, kung kinakailangan ay handa silang magsagawa ng lecture o seminar para hindi na maulit ang insidente at upang malaman ng LGUs ang dapat gawin tuwing may power outage.

Malinaw aniya sa protocol na dapat may tatlong power backups na kinabibilangan ng linyang nanggagaling sa National Grid Corporation of the Philippines, distribution utilities, at generators mula sa pasilidad o sa LGU.