Dependents ng mga bayaning pulis, libreng paaaralin

Lumagda sa isang kasunduan ang Philippine National Police o PNP at ang Bayaning Pulis Foundation Incorporated na magbibigay ng educational scholarship sa mga anak ng mga pulis na masasawi o mababalda sa pagtupad sa tungkulin.

Pinangunahan mismo nila PNP Chief P/Gen. Guillermo Eleazar at Philippine Chamber of Commerce and Industry President Amb. Benedicto Yujuico ang paglagda sa nasabing kasunduan sa Pasay City kagabi.

Sumaksi sa nasabing seremoniya si Retired P/BGen. Noel Baraceros, Pangulo ng Bayaning Pulis Foundation, National Police Commission o NAPOLCOM Commissioner Zenonida Brosas, Director for Personnel and Records Management ng PNP P/MGen. Rolando Hinanay at Director ng Center for Police Strategy Management na si P/BGen. Randolf Balonglong.

Ayon kay Eleazar, ang nilagdaan nilang kasunduan ay pagkilala sa sakripisyo ng mga Bayaning Pulis na nag-alay ng kanilang sariling buhay at panahon para tiyakin ang kapayapaan at kaayusan sa bansa sa gitna ng pandemiya ng COVID 19.

Sa ilalim ng kasunduan, tatanggap ng educational grants ang may 22 benepisyaryong Pulis sa buong bansa na libreng paaralin ang kanilang mga dependents mula elementarya hanggang sa kolehiyo.

Sinabi ni Eleazar na batid niya na walang katumbas na halaga ang buhay at sakripisyong ini-alay ng kanilang mga kasamahan.

Subalit sa pamamagitan aniya nito ay maiparamdam at maipakita sa pamilya ng mga bayaning Pulis ang kanilang kahalagahan sa pagkamit ng kaayusan sa bansa.