DepEd XI, tiwalang mahigpit na ipinatutupad ang Drug Education Module sa public schools

Kumpiyansa si Jenielito Atillo, tagapagsalita ng Department of Education (DepEd) XI, na mahigpit na ipinatutupad ng pampublikong eskuwelahan ang Drug Education Module for Community-Based Rehabilitation and Aftercare Program.

Pinuri ng DepEd ang pamahalaang lokal ng lungsod ng Davao, sa pagbuo ng nasabing programa, na naglalayong palakasin ang impormasyon sa mga eskuwelahan, kabilang na ang Arabic schools, kaugnay sa drug prevention.

Nauna ng nagbanta ang Business Bureau sa mga eskuwelahan sa lungsod, na hindi i-renew ang kanilang business permit kapag hindi isama sa leksiyon ang Drug Education Module for Community-Based Rehabilitation and Aftercare Program.

Ayon kay City Anti-Drug Abuse Council (Cadac) technical adviser Donaldo Rivera, halos sampung porsiyento lamang sa mga pribadong establisyimento ang gumawa ng kanilang drug prevention program.

Paglilinaw naman ni Atillo, dahil nasa infancy stage pa ang programa, normal lamang daw na mababa pa ang compliance rate, ngunit nangako itong palalakasin ng kagawaran ang kanilang monitoring sa mga pribadong eskuwelahan upang matiyak na kasama ang drug education module sa kanilang itinuturo sa mga eskuwelahan.