DepEd Sec. Briones, paiimbestigahan ang insidente ng panununog ng bag ng mga estudyante sa Bicol

Ipinag-utos ngayon ni Department of Education (DepEd) Secretary Leonor Briones ang agarang pagsasagawa ng masusing imbestigasyon sa insidente ng panununog ng mga bag ng mga estudyante sa utos ng school administrator sa Bicol.

Ito ay nangyari nitong Biyernes sa Bicol Central Academy (BCA), isang pribadong eskwelahan sa Camarines Sur, dahil sa paglabag umano ng mga maga-aral sa “no-bag policy” ng araw na iyon.

Kinumpirma ang ilang detalye ng pangyayari sa initial report na isinumite ni Regional Director Gilbert Sadsad.

Nakatakda namang bumisita ngayong araw ang Regional Director sa nabanggit na eskwelahan, kasama ang mga guidance counselor na magbibigay ng psycho-social first aid sa mga naapektuhang mga estudyante.

Habang ipinatawag ng school administrator ng BCA ang Schools Division Superintendent (SDS) ng CamSur nitong nagdaang Agosto 18 upang ipaliwanag ang pangyayari, ang hinihinging written response ni Briones ay hindi pa naisu-sumite.

Kung sakaling mapatunayan na may pananagutan ang school administrator, may mga regulatory tool ang DepEd sa mga pribadong eskwelahan–ang possibleng suspensyon o pagbawi ng permit to operate nito o ang pag-disqualify na makasali sa Educational Service Contracting at Senior High School Voucher Program; o hindi pag-isyu ng paborableng rekomendasyon para sa tax exemption, gaya ng import duties.

Habang ang  Child Protection Policy ng kagawaran ay hinihiling na magsampa ng reklamo hinggil sa child abuse o violence sa school head ng pribadong eskwelahan, pinapayuhan naman ang mga magulang ng mga apektadong estudyante na magsampa ng reklamo o administrative charges laban sa school administrator sa tamang kinauukulan. Nire-rekomenda rin ng DepEd sa school board na payuhan ang school administrator na mag-leave upang magbigay-daan sa isang walang-kinikilingan na imbestigayon at mapawi ang takot ng mga estudyante.

Nangako naman ang kagawaran na hindi mangingimi na magpataw ng karampatang parusa sa sinumang lalabag sa naturang polisiya.  | ulat ni Ched Oliva