DepEd, nakapag-download na ng ₱10-B pondo para sa produksyon ng modules

Aabot na sa sampung bilyon ang pondong nai-download ng Department of Education (DepEd) sa mga region at division offices nito para sa produksyon ng self learning modules.

Ayon kay DepEd Undersecretary Annalyn Sevilla, bahagi ito ng paghahanda para sa pag-imprenta ng mga modules sa mga susunod na quarter.

Para sa second quarter ng pasukan, papahintulutan pa rin ang paggamit ng division-based SLMs, at pati na mga textbooks, at activity sheets sa modular learning.

Matatandaang bumuo na ng conformance review ang DepEd para sa second quarter SLMs, kung saan may itinalagang 45 chiefs at education program supervisers mula sa ibat ibang rehiyon na tutulong sa quality assurance sa nilalaman ng modules.

Maliban dito, nagkasa na rin ang mga regional offices ng localized error watch upang mapabilis pa ang pagtugon sa mga nakikitang error sa modules.