Deped, may paalala ngayong opisyal nang simula ang tag-ulan

Ngayong opisyal nang simula ang tag-ulan, nagpaalala ang Department of Education (Deped) sa lahat ng mga pampubliko at pribadong eskwelahan sa buong bansa na unahin ang kaligtasan at kapakanan ng mga mag-aaral anuman ang mangyari.

Opisyal nang idineklara ng state weather bureau na Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA)  na simula na ang panahon ng tag-ulan sa bansa ngayong araw.

Ayon sa inilabas na pahayag ni Education Secretary Leonor Briones, ang Disaster Risk Reduction and Management (DRRM) Service sa Central Office at mga unit nito sa Regional at Schools Division Offices kasama ang mga school head at DRRM coordinator ang siyang mangunguna sa mga paghahanda at pagpapatupad ng precautionary measures upang mapagaan ang dulot ng mga pag-ulan.

Hinggil sa pagsuspindi ng klase dahil sa masungit na panahon, nananatili umano ang kanilang patakaran na ang mga klase sa mga apektadong lugar ay awtomatikong suspindido base sa idineklarang storm signal ng PAGASA habang ang mga lokal na pamahalaan at hindi ang Deped ang siyang magpapasya at mag-aanunsyo ng class suspension sa kanilang mga nasasakupan sa panahon ng kalamidad sa kabila ng kawalan ng storm signal.

Nanawagan din ang Deped sa mga magulang na sila na ang magpasya kung papapasukin pa ang kanilang mga anak kung may bagyo, baha at iba pang kalamidad kahit walang anunsyo ng kanselasyon o suspensyon ng klase. | ulat ni Ched Oliva