DepEd, hinikayat ang private at gov’t lending institutions na maging flexible sa loan payment scheme sa mga kawani nito

Nanawagan ang Department of Education (DepEd) sa mga private lending at government financing institutions na magpatupad ng flexible na loan payment scheme para sa mga empleyado nito alinsunod na rin sa Bayanihan 2.

Maliban sa 60-day grace period, nakipag-ugnayan na rin ang DepEd sa mga partner PLIs at GFIs para mabigyan pa ng loan moratorium ang kanilang mga kawani na magpapalawig sa deadline ng kanilang bayarin ng karagdagang 60 days.

Kasama na rito ang pagpapaubaya na rin sa koleksyon ng mga accrued interest na dapat sisingilin sa dalawang buwang palugit

Ayon kay DepEd Undersecretary Annalyn Sevilla, sa pamamagitan nito, matutulungan aniya ang mga kawani ng kagawaran na maka-recover din financially mula sa epekto ng COVID-19 pandemic.

Kaugnay nito, nagpasalamat naman ang DepEd sa 89 lending institutions na pumayag na pahabain ang payment period ng mga borrower at i-waive na rin ang accrued interest.

Sa tala ng DepEd, 70% ng mga kawani nito o nasa tinatayang 655,000 na personnel ang borrowers din sa iba’t ibang private at government lending institutions.