DepEd, bukas sa suhestiyong pahintulutan ang mga estudyanteng magsuot ng pantalon sa eskwelahan

Inihayag ng Department of Education (DepEd) na pag-aaralan at ikukunsidera ang suhestyon ni Senator Nancy Binay na pahintulutan na muna ang mga estudyante na magsuot ng pantalon sa eskwelahan bilang pangontra sa kagat ng lamok.

Ayon kay Usec. Tonisito Umali, may punto ang senator sa kanyang mungkahi dahil sa pamamagitan nito ay maaaring maiwasan ang paglaganap ng dengue sa bansa.

Bagamat pinag-aaralan pa lamang, maaari na umanong ipatupad ito sa mga paaralan..

Paliwanag ni Umali, wala namang istriktong patakaran ang DepEd sa pagsusuot ng uniporme, ibig sabihin, hindi ipinagbabawal kung hindi man nakauniporme ang mga estudyanteng pumasok kaya’t desisyon na ng mga magulang at ng mga eskwelahan kung nais nilang pagsuotin muna ng jogging pants ang estudyante.

Nauna nang sinabi ni Sen. Binay na sumulat na ito kay DepEd Secretary Leonor Briones para ipanawagan ang pagpapahintulot ng pagsusuot ng pantalon hanggat hindi pa lubos na nakokontrol ang epekto ng Dengue.