Department of Disaster and Management, kailangan na ngayon – OCD Administrator Jalad

Kailangan na ngayon na maitatag ang matagal nang ipinapanukalang Department of Disaster Management.

Ayon kay Office of Civil Defense (OCD) Administrator Undersecretary Ricardo Jalad, ito ay para mas maging epektibo ang pamahalaan sa pagtugon sa mga natural na kalamidad katulad ng mga super typhoon.

Paliwanag ni Jalad, sa ngayon ay tumatayong over-all coordinator ang Office of Civil Defense pero ito ay isang Bureau lang sa ilalim ng Department of Defense.

Umaasa pa rin aniya ang OCD sa Armed Forces of the Philippines (AFP) para sa search and retrieval operations, sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa relief supplies at sa Local Government Units para sa iba pang pangangailangan.

Ayon kay Jalad, sa tindi ng mga kalamidad sa panahong ito, kailangan ang “whole of government approach” at magiging mas epektibo sa pagmamando ng government relief efforts ang OCD kung ito ay nasa Cabinet level na pinamumunuan na rin ng isang kalihim.

Tiniyak naman ni Jalad na handang-handa na sa ngayon ang pamahalaan sa inaasahang pananalasa ng bagyong Ompong, kasabay ng paghingi ng kooperasyon ng mga mamamayan para matamo ang “zero casualties” target.  | ulat ni Leo Sarne