Departamentong magdedetermina sa mga kailangang proyekto ng bawat distrito sa bansa, hindi galing sa Malacañang – Panelo

Nilinaw ni Spokesperson Panelo na sarili niyang opinyon at walang kinalaman ang Palasyo sa panukalang magkaroon ng sariling departamento ang gobyerno na bubusisi sa mga pangangailangan ng iba’t-ibang distrito sa bansa.

Pagbibigay-diin ni Panelo, suhestiyon lang mula sa kanya ang nasabing ideya bilang isang abogado at mamamayan ng bansang ito.

Punto ni Panelo, mas mabuti kasing may iisa na lamang na departamento na ang trabaho’y tumingin, magdetermina at magrekomenda ng mga proyekto o pangangailangan ng isang distrito.

Sa ganitong paraan, ayon sa chief presidential legal counsel, ay madali ring maipatutupad ang accountability, gayung ang nabanggit na departamento na lang ang maaaring habulin kung sakali’t magkaroon ng aberya.

Hindi aniya kagaya ngayon na kung sino-sino ang nagtuturuan kapag nagkaroon ng problema at matagal matumbok sa kung sino ang dapat na papanagutin.

Ang panukala ay pinalutang ni Panelo sa harap ng insertion issue at sitwasyon sa kasalukuyan sa pagitan ng Department of Budget and Management (DBM) at Kongreso.  | ulat ni Alvin Baltazar