DENR, suportado ang ordinansa na magbabawal sa pagpapalipad ng balloons at sky lanterns sa Davao

Suportado ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) Davao ang panukalang ordinansa na magbabawal sa pagpapalipad ng balloons at sky lanterns sa lungsod ng Davao.

Ayon kay Assistant Secretary for Eastern Mindanao at Regional Director ng DENR Davao Ruth Tawantawan, malaking tulong ang nasabing ordinansa upang mabawasan ang problema sa solid waste dito sa lungsod.

Sinabi nito na kung hahayaan ang pagpapalipad ng mga balloons posible na mapunta ito sa dagat, at makain ng mga isda, mga pawikan at iba pang lamang dagat.

Samantala, ang mga sky lanterns naman ay maaaring dahilan ng sunog kung mapunta ito sa mga kabahayan at mga puno o damuhan.

Hinihikayat naman ng opisyal ang iba pang local government units na gumawa rin ng ordinansa na magbabawal sa pagpapalipad ng balloons at sky lanterns para sa kapakanan ng kapaligiran at seguridad ng bawat isa.

Ang nasabing ordinansa ay pasado na sa 1st reading sa 18th Davao City Council at kasulukuyan na isinasailalim sa committee hearing.  | ulat ni Sheila Lisondra/RP-Davao