DENR, maghihintay sa pag-comply ng water concessionaires sa utos ng SC

Maghihintay sa maagap na pagsunod o compliance ng water concessionaires ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) matapos na panigan ng Korte Suprema ang kasong inihain ng ahensya.

Sa botong 14-0 ng Supreme Court (SC) en banc, pinagmulta ng tig ₱921 milyon ang Manila Water, Maynilad at Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS), dahil sa paglabag sa Republic Act 9275 o Philippine Clean Water Act of 2004.

Ang nasabing multa ay dapat mabayaran sa loob ng 15 araw pagkatanggap ng desisyon ng korte.

Nakasaad sa ruling, na bigo ang dalawang water concessionaires na magtayo ng pasilidad para sa sewage treatment at sewage lines.

Ayon kay Environment Usec. Benny Antiporda, nagpapasalamat sila ng marami dahil pinagtibay ng mataas na korte ang desisyon ng Court of Appeals sa dalawang magkahiwalay na kasong isinampa ng DENR.

Malinaw naman aniyang hindi ginawa ng MWSS at dalawang water concessionaires ang mandato nito, na nagdulot ng matinding polusyon sa Pasig River at Manila Bay.

Bukod sa mahigit ₱900 milyong multa, mayroon pa aniyang kasama itong monthly at annual penalties.

Sinabi pa niyang sa halip na gumastos ang mga naturang kumpanya sa legal remedies, ang mabuting gawin ay mag-comply na lamang, at agad na kumilos sa lalong madaling panahon.

Una ng sinabi ng Maynilad, na maghahain sila ng motion for reconsideration hinggil sa naturang ruling.

Tiniyak naman ng Manila Water na tutugon ang kumpanya sa utos ng korte.