DENR, dapat pang mag-doble trabaho para malampasan ang target na priority programs ng ahensya

Hindi pa rin kuntento ang pamunuan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa mga nakamit nitong ‘accomplishments’ noong nakaraang taon.

Sa pagdiriwang ng ‘Earth Day’ kung saan nakiisa ang ahensya, iginiit ni Environment Secretary Roy Cimatu na kailangan pa silang mag-doble trabaho para malampasan ang target na ‘priority programs’ sa ilalim ng 6-year action plan ng Duterte administration sa pangangalaga sa kalikasan at mga likas na yaman ng Pilipinas.

Pero sa kabila nito, sinabi ni Cimatu na maituturing pa rin na ‘welcome development’ ang mga nagawa ng kanyang pamunuan halimbawa sa pagsasaayos ng mga LGUs sa problema ng solid waste management at proteksyon sa ecotourism facilities.

Hindi aniya matitinag ang ahensya sa krisis ng Boracay at iba pang nanganganib na tourist destinations sa bansa dahil palatandaan ito na marami pang dapat gawin at ipursigeng reporma laban sa iresponsableng turismo, komersyo at iligal na gawain ng tao.

Ipinanawagan naman ng kalihim sa DENR event na may kinalaman sa worlwide celebration ng ‘Earth Day’ ngayong araw ang pagwawakas sa ‘impunity’ o pagsasawalang bahala sa hindi matapus-tapos na ‘crimes against environment.’

Mula sa Harbour Square sa CCP Complex sa Pasay City, naging pokus ang pagnanais na tuldukan ang problema sa plastic pollution kung saan nasa ikatlong ranggo ang Pilipinas na may pinakamataas na pinagmumulan ngĀ plastic kasunod ng China at Indonesia base sa 2015 report ngĀ  Ocean Conservancy and McKinsey Center for Business and Environment.

Una dito, isang bike parade ang naging hudyat ng pagsisimula ng programa sa bahagi ng QC Memorial Circle.

Hindi nakadalo si Secretary Cimatu sa okasyon at ang kanyang chief-of-staff at environment undersecretary na si Rodolfo C. Garcia ang inatasang kumatawan sa opisyal. | via Shane Juan