DENR Batanes sa publiko: Maging maingat sa migratory birds

Nagbabala ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa mga residente sa Batanes na maging maingat sa pagdating ng mga migratory bird sa probinsya.

Ang panawagan ay bunsod na rin ng mga namataang mga ibon mula sa ibang bansa, at inaasahang mananatili ang mga ito sa Marso.

Ayon sa DENR, posibleng maging carrier ng avian influenza virus o avian flu ang mga ibon na mula sa ibang bansa, kaya mahigpit ang panawagan ng ahensya sa publiko na huwag manghuli o pumatay ng mga nabanggit na ibon.

Mahigpit na ipinagbabawal ng batas ang paghuli at pagpatay sa mga ito, alinsunod na rin sa probisyon ng Republic Act 9147 o ang Wildlife Resources Conservation and Protection Act.

Samantala, kung may mga kaso ng mga namatay na ibon, ay pinayuhan ang mga residente na isangguni sa pinakamalapit na tanggapan ng DENR, local government unit (LGU) o ireport sa himpilan ng pulisya sa kanilang lugar.