Demokrasya sa bansa, buhay na buhay sa pagpapa-aresto kay Trillanes – Esperon

Taliwas sa pahayag ni Sen. Antonio Trillanes IV na ang utos ng pagpapa-aresto sa kanya ay indikasyon umano na patay na ang demokrasya sa Pilipinas, sinabi ni National Security Adviser Hermogenes Esperon na nasunod ang batas sa pag-isyu ng warrant of arrest laban sa mambabatas.

Sa panayam sa Senado, sinabi ni Esperon na ang lahat ay dumaan sa proseso, kabilang na rito ang sinabi ng Pangulong Rodrigo Duterte na kapag walang warrant, walang magaganap na pagdakip kay Trillanes, at ito’y nasunod.

Ang tinutukoy ni Esperon ay ang sinabi ng Pangulong Duterte sa isang cabinet meeting sa Jordan ngayong buwan ng Setyembre, na siya’y tatalima sa batas, at kanyang hihintayin ang pagpapalabas ng Korte ng warrant of arrest bago ipaaresto si Trillanes.

Ayon kay Esperon, ang utos ng pagpapa-aresto kay Sen. Trillanes ay galing kay Judge Elmo Alameda ng Makati City Regional Trial Court Branch 150 para sa kaso ng rebelyon kaugnay ng 2007 Manila Peninsula Siege.

Dagdag pa ni Esperon, na narinig din niya kay Trillanes na handa niyang isuko nang matiwasay ang kanyang sarili at kusa siyang sasama sa arresting team kapag may arrest warrant na laban sa kanya. | ulat ni Jojo Ismael