Delta variant case sa Taguig, naitala pa noong May

Nilinaw ng Lokal na Pamahalaan ng Taguig, na hindi na nakaabot sa lungsod ang una nitong iniulat na kaso ng COVID-19 Delta variant.

Sa isang statement, sinabi ni City Epidemiology and Disease Surveillance Head Dr. Jun Sy, na noong May pa na-detect ang variant mula sa isang returning overseas Filipino worker (OFW).

Naka-quarantine na aniya ang naturang OFW pagdating ng bansa, at hindi pinalabas hanggang sa gumaling kaya hindi siya nakarating sa Taguig habang may virus.

Giit ng opisyal, bago pa man makapasok ang Delta variant sa bansa ay bumuo na ang city government ng Special Task Group Delta Force, para paghandaan ang posibilidad ng local transmission ng mabagsik na variant.

Base sa latest genome sampling ay wala pa namang indibidwal mula sa Taguig na tinamaan ng Delta variant.

Gayunman, mananatiling mapagmatiyag ang local government at ipatutupad ang Prevent-Detect-Isolate-Treat-Reintegrate strategy, laban sa ano mang variant ng COVID-19.