Deliberasyon ng ₱4.7B proposed 2020 budget ng DTI, tinapos na

Lusot na rin sa plenary deliberations ang proposed 2020 budget ng Department of Trade and Industry (DTI).

Ngunit bago ito ay dumaan muna sa ilang mga katanungan mula sa mga interpellators ang ₱4.7 billion na panukalang pondo ng ahensya.

Ilan sa mga pinabigyang linaw ng mga mambabatas, ay ang hakbang ng ahensya para hindi maapektuhan ang suplay at presyo ng karneng baboy at iba pang hog product bunsod ng pagpasok ng African swine fever sa bansa.

Gayundin ang pagtitiyak ng tamang presyo ng bigas sa merkado at mga pangkabuhayan program para sa mga kababayan nating nasalanta ng sakuna o kaya’y giyera.

Bukod naman sa DTI, naisalang at nakalusot na rin sa budget deliberations ang ₱37.6 billion na pondo ng Judiciary, ₱3.08 billion na pondo ng Office of the Ombudsman, ₱1.6 billion na pondo ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) at attached agencies nito, at ang ₱1.69 bilyon na pondo ng Civil Service Commission (CSC).