Delfin Lorenzana, “no comment” sa sinabi ng Pangulo na pwedeng makulong si dating DND Sec. Gazmin

Tumanggi si Department of National Defense (DND) Secretary Delfin Lorenzana na magkomento sa sinabi ng Pangulo na maaaring makulong si dating Defense Secretary Voltaire Gazmin dahil sa pagpirma niya sa amnestiya ni Sen. Antonio Trillanes.

Ayon kay Lorenzana, plano muna niyang makipag-usap kay Gazmin anumang araw mula ngayon.

Magugunitang inihayag ng Pangulong Duterte na “abuse of authority” ang ginawa ni Gazmin sa kanyang pagpirma sa amnestiya ni Trillanes dahil tanging ang Pangulo lang ang may kapangyarihan na mag-gawad ng amnestiya.

Sinabi naman ni Lorenzana na nakadepende sa proseso kung may kapangyarihan ba ang kalihim ng DND na pumirma sa pagbibigay ng amnestiya sa isang taong nagksala.

Una na ring inihayag ni Gazmin na batay sa kanyang pagkakaalam, ang lahat ng nabigyan ng amnestiya noong kapanahunan niya ay dumaan sa proseso. | ulat ni Leo Sarne