Delay sa suspensyon ng operasyon ng PhilHealth sa WellMed, natalakay sa pagdinig sa Senado

Muling tinalakay ng Senate Blue Ribbon Committee ang ilan sa mga kontrobersiyang pumapaligid sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).

Kabilang sa mga natanong kung bakit natagalan ang mga opisyal ng PhilHealth na suspindehin ang operasyon ng WellMed Dialysis Center sa kabila ng pagkakalantad ng isyu sa pagkakaroon ng ‘ghost claims’ para sa mga pumanaw nang pasyente.

Giit kasi ng may-ari ng WellMed na si Dr. Bryan Sy, nitong June 18 lang nila natanggap ang suspension letter mula sa ahensya gayong ayon sa mga opisyal ng PhilHealth ay noon pang Pebrero 2019 nila inirekomenda ang naturang suspensyon.

Paliwanag naman ni PhilHealth NCR Vice President for Regional Operations Gilda Salvacion, na bagamat siya ang recipient ng memorandum  tungkol sa suspensyon, tanging ang head office lang aniya ang may kapangyarihang bumawi ng accreditation.

Nadismaya naman ang mga senador sa inefficiency sa loob ng PhilHealth.

Ayon kay Senador Francis Tolentino, dapat nang magkaroon ang ahensya ng mas mabilis at episyenteng proseso ng komunikasyon upang umayos ang kanilang serbisyo.