Deklarasyon ng state of calamity sa buong bansa dahil sa ASF outbreak, suportado ni Sen. Go

Suportado ni Senator Christopher ‘Bong’ Go ang pagdedeklara ni Pangulong Rodrigo Duterte, na isailalim sa state of calamity ang buong bansa dahil sa African Swine Fever (ASF) sa loob ng isang taon. 

Ayon kay Go, sa pamamagitan ng deklarasyong ito ay mas madaling makakapagtakda ng price ceiling kung kinakailangan, upang maiwasan ang overpricing ng pork products. 

Dahil rin aniya dito, ay maaari nang magbigay ng no interest loans ang mga government financial institution sa mga pork producer na apektado ng ASF, at magagamit na rin ng Department of Agriculture at mga lokal na pamahalaan ang quick response fund para tugunan ang ASF outbreak.

Kasabay nito, ay nagpahayag rin ng suporta ang senator sa ibinabang Executive Order 133 ng Malacanang na nagtatakda ng minimum access volume (MAV) ng imported pork meat sa 200,000 metric tons.

Nanawagan rin ang mambabatas kay Agriculture Secretary William Dar, na gawin ang lahat upang masuportahan ang local hog sector sa pagpapatupad ng mga kautusang ito.