Defense Sec. Lorenzana, kumpiyansa na magiging orderly at peaceful ang BOL Plebiscite 

Kumpiyansa si Defense Secretary Delfin Lorenzana na magiging orderly at peaceful ang Bangsamoro Organic Law (BOL) Plebiscite sa Cotabato City, Isabela Basilan at sa buong Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) area.

Ito ang inihayag ng kalihim kaugnay ng umano’y banta ng grupo ni Abu Dar na guluhin ang naturang ehersisyo.

Ayon sa kalihim, bagamat may potensyal na maghasik ng kaguluhan ang grupo ni Abu Dar, ang tanging nalalabing lider ng Maute terror group, ito ay “unlikely”.

Pagtiyak ng kalihim, nasa Commission on Elections (COMELEC) control na ang Cotabato City, at nag-deploy na ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) ng karagdagang tropa para i-secure ang siyudad.

Bukod dito, aktibong mino-monitor aniya ng pamahalaan ang iba pang mga threat groups sa Mindanao.

Kasama aniya sa mga grupong binabantayan ang Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF), Abu Sayyaf at New People’s Army (NPA), at walang indikasyon na isasabotahe ng mga ito ang botohan.  | ulat ni Leo Sarne