Defense cooperation ng Pilipinas at China, kaya pang palakasin ayon kay Pangulong Duterte; Chief Executive, nagpaabot ng pagbati sa muling pagkakahalal ni Xi Jinping bilang Pangulo ng China

Naniniwala si Pangulong Rodrigo Duterte na kaya pang palakasin kapwa ng Pilipinas at ng China ang ‘military and defense cooperation’ ng dalawang bansa.

Sa opening remarks ng Pangulo ng kanilang bilateral meeting ni Chinese President Xi Jinping, sinabi ng Pangulo na may magagawa pa upang mas mapaigting ang defense cooperation ng Armed Forces of the Philippines at Chinese Armed Forces.

Bukod dito’y nagpahayag din ang Chief Executive ng pagnanais na magkaroon pa ng mas malalim na kooperasyon ang Pilipinas at China kontra transnational crime at terorismo.

Kaugnay nito’y hindi pinalampas ng Pangulo na ipaabot ang kanyang pasasalamat sa ayudang ipinagkaloob ng pamahalaang China sa AFP.

Pero bago ito, sinabi ng Presidente kay Xi na siya at ang mga miyembro ng gabinete ay natutuwa sa pagkakapanalo nito at muling pagkakahalal bilang Pangulo ng Peoples Republic of China. | via Alvin Baltazar