Deadline ng tax payments, iba pang business transactions, pinalawig pa ng Makati gov’t

Muling pinalawig ng pamahalaang lungsod ng Makati ang deadline sa business transactions matapos ang extension ng Enhanced Community Quarantine hanggang April 30.

Extended na hanggang May 30 ang pagbabayad para sa business license, realty taxes at iba pang fees at charges gayundin ang suspensyon ng pagpapataw ng penalties, interest at surcharges.

Ayon kay Makati City Mayor Abby Binay, pinalawig nila ang palugit upang maibsan ang alalahanin ng taxpayers at maiwasan din ang pagdagsa ng mga ito sakaling magsimula ang normal na operasyon sa City Hall sa darating na May 4.

Batay sa ipinasang City Ordinance No. 2020-090 ng Sangguniang Panlungsod, ang extension ng business licensing fee hanggang May 30 ay mula 8:00 ng umaga hanggang 5:00 ng hapon at hindi rin ipapataw ang two percent penalty para sa buwan ng Marso at Abril alinsunod sa extension.

Ang real property taxpayers naman ay maaari pa ring mag-avail ng five percent discount para sa second quarter hanggang sa katapusan ng Mayo at ang mga hindi makakapagbayad sa loob ng ibinigay na deadline ay papatawan ng 2% penalty kada buwan.

Samantala, sinuspinde ang pagpapataw ng penalties sa non-payment, interests at surcharges para sa Ordinance Violation Receipts (OVR), mula March 16 hanggang May 30 at magsisimula lamang ang calculation ng penalties, interests at surcharges sa susunod na business day base sa applicable deadline.

Palalawigin din ang last day of redemption ng OVR na natapat sa suspension period, hanggang May 30 habang ihihinto muna ang koleksyon ng bayad para sa lahat ng revenue-generating activities ng pamahalaang lungsod.