DCPO, humingi ng pang-unawa sa parishioners sa pagbawal ng bags sa simbahan

Humihingi ng pang-unawa si Davao City Police Office (DCPO) Director Police Sr. Supt. Alexander Tagum sa lahat ng parishioners sa lungsod, na sumunod na lamang sa kanilang patakaran sa loob ng simbahan.

Ito ay matapos na inulan ng reklamo ang pagbabawal nito ng mga bag kahit gaano man kaliit, sa loob ng lugar ng pagsamba.

Ayon kay Tagum, gusto lang nila maparating sa publiko na hindi na dapat sila magdala ng mga bag o kahit plastic bags sa loob ng mga simbahan, para mas mapadali ang pagbabantay nito.

Sabi nito na kumakain ng oras ang paghahalughog ng bag, na maaaring maiwan ang iba pa nilang gawain.

Dagdag panawagan nito, na sanayin na nila ang kanilang mga sarili na hindi nagdadala ng kahit anong bag kapag nagsisimba.

Suportado naman ni Mayor Sara Duterte ang naturang patakaran, na ipinatutupad ng DCPO dahil para din naman sa kaligtasan ng publiko. | ulat ni Armando Fenequito – Radyo Pilipinas Davao