DBM, inatasan ni PRRD na hanapan ng pondo ang ECQ assistance para sa NCR

Inatasan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang Department of Budget and Management (DBM), na maghanap ng pondo para sa ayuda ng mga maaapektuhang pamilya sa Metro Manila, sa oras na ipasailalim na ito sa enhanced community quarantine (ECQ).

Pahayag ito ni Presidential Spokesperson Harry Roque, kasunod ng desisyon ng Inter Agency Task Force (IATF) na ipasailalim sa ECQ ang NCR, simula August 6 hangang 20.

Habang GCQ with heightened at additional restrictions naman ang umiiral sa NCR sa kasalukuyan, July 30 hanggang August 5, 2021.

Una nang sinabi ng kalihim, na ang polisiya ni Pangulong Duterte ay hindi magsasailalim ng lugar sa ECQ kung walang maibibigay na ayuda o tulong pinansyal.

Lalo at halos lahat ng negosyo at mga establisyimento sa ilalim ng ECQ areas ay sarado, dahilan upang mawalan ng hanapbuhay at kita ang mga residente.

Kahapon lamang, ay inanunsyo ng MalacaƱang ang inilaang P1 bilyong pondo para sa mga residente ng Iloilo City, Iloilo Province, Cagayan de Oro, at Gingoog City, na nasa ilalim ng ECQ hanggang August 7, 2021.