DBM chief, kumpiyansang magbabago ang isip ni Pangulong Duterte hinggil sa tindig nito sa TRAIN law matapos ipaubaya sa Kongreso ang magiging kapalaran nito

Naniniwala si Department of Budget and Management (DBM) Secretary Benjamin Diokno na magbabago ang isip ni Pangulong Rodrigo Duterte na ipaubaya na lang sa Kongreso ang kahihinatnan ng mga panawagang isuspinde ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law.

Ayon kay Diokno, magkakausap ngayon sina Pangulong Duterte, Finance Secretary Sonny Dominguez at National Economic and Development Authority (NEDA) Chief Ernesto Pernia na pawang magkakasama sa kasalukuyan sa South Korea.

Kumpiyansa si Diokno na sa bagong impormasyong ilalatag ng dalawang Cabinet members sa Pangulo tungkol sa TRAIN, mapagtatanto nito na hindi dapat isuspinde ang TRAIN law.

Binigyang diin ng DBM chief na kung may epekto mang nararamdaman sa TRAIN, minor hiccups o minimal lang aniya ito.

Giit ni Diokno, hindi dapat suspindihin ang TRAIN law dahil kailangang kailangan ito sa ‘Build, Build, Build’ project lalo’t huling huli na tayo sa mga kalapit-bansa natin dito sa Asya. | ulat ni Alvin Baltazar