DBM at DILG, pinaghahanda na ng epektibo at mabilis na mekanismo para sa pagpapaabot ng tulong sa ilalim ng Bayanihan 3

Pinatitiyak ni AKO BICOL Partylist Representative Alfredo Garbin Jr. sa Department of Budget and Management at Department of the Interior and the Local Government na mabilis mailalabas at maililipat sa mga local na pamahalan ang pondong pang-ayuda sa ilalim ng Bayanihan 3.

Ayon kay Garbin, kadalasan sa implementasyon ng programa nagkakaroon ng aberya kaya’t nababalam ang pagpapaabot ng ayuda.

Isa sa mungkahi ni Garbin, ay i-download na diretso sa barangay ang financial aid at gumawa na lamang ng mekanismo para sa accounting nito.

Kung hindi man, maglabas na dapat ng master list ang kada barangay at i-diretso na sa bank accounts o e-wallets ng mga benepisyaryo.

Sa ilalim ng Bayanihan 3, makatatanggap ng tig-P1,000 na financial aid ang lahat ng Pilipino, susundan ito ng isa pang bugso ng ayuda matapos naman ang tatlong buwan.

Ayon kay Garbin, iaakyat sa plenaryo ang panukalang Bayanihan 3 sa pagbabalik sesyon sa May 17 at umaasa sila sa Kamara na agad din itong malalagdaan bilang batas sa pagtatapos ng buwan ng Mayo.