Dayuhang nagtangkang ipuslit ang isang sanggol sa NAIA, mahaharap sa patung-patong na kaso

Patung-patong na kaso ang kinakaharap ng dayuhang babae na naharang, nang tangkaing ipuslit ang isang 6-day old na sanggol na isinilid sa kanyang sling bag sa NAIA kahapon.

Kinilala ang suspek na si Jennifer Erin Talbot, na isang American national.

Palabas na sana pabalik ng Amerika ang suspek, sakay ng Delta Air lines kahapon dakong alas-7:30 ng umaga.

Ayon sa NBI-International Airport Investigation Division, dumaan sa immigration counter si Talbot at nadiskubre ang kanyang sling bag, kung saan nakasilid ang sanggol.

Wala umanong maipakitang travel documents ang suspek, na nagpapatunay na maaring iba-biyahe ang sanggol.

Wala rin umanong maipakitang clearance mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) o written consent mula sa mga magulang ng sanggol.

May ipinakita naman ang suspek na naka-notaryong affidavit of consent and support ng magulang upang nakapag-travel sa US ang sanggol, ngunit hindi naman ito pirmado.

Napag-alaman na ipinanganak ang sanggol noong  Agosto 29,2019 sa Davao City.

Kakasuhan ang suspek ng kasong paglabag sa RA 9208 o The Anti- Trafficking in Persons Act, RA 7610 o Special Protection of Children Against Child Abuse, Kidnapping and Serious Illegal Detention, at RA 10364 o Expanded Anti-Trafficking in Persons Act .

Mahaharap rin ang mga magulang ng sanggol na si Maricris Cempron Dulap at isang John Doe sa kasong paglabag sa RA 7610.