DAVRAA delegates, sumunod sa istriktong inspeksyon sa pagkain

Ikinatuwa ng Department of Education (DepEd) 11 ang pagsunod ng lahat ng mga delegado sa Davao Regional Athletic Association (DAVRAA) meet sa ipinatutupad na strict sanitation sa paghahanda ng pagkain ng mga atleta.

Sa panayam kay Jenielito Atillo, tagapagsalita ng DepEd 11, sinabi nito na walang naitalang problema ang kanilang opisina kaugnay ng food poisoning, dahil sa pagsunod ng mga delegasyon sa naturang patakaran.

Ayon kay Atillo, mahigpit ang pag-iinspeksyon ng mga tauhan ng City Health Office at DepEd, at tinutukan nila ang paraan ng paghahanda at pagluluto para masigurong ligtas itong kainin ng mga atleta.

Naipatupad ito ngayon sa ikalawang hosting ng lungsod sa naturang regional athletic meet, dahil na rin sa insidente ng food poisoning noong nakaraang taon na nakaapekto sa halos 100 atleta ng Mati City.

Sabi pa ni Atillo, ipapatupad pa rin ang ganitong polisiya sa Palarong Pambansa na gaganapin rin sa lungsod sa huling linggo ng Abril. | ulat ni Armando Fenequito – Radyo Pilipinas Davao