Davao City, papalitan ang jeepneys ng buses

Nakatakdang palitan ng Davao City ang 7,000 public utility jeepneys (PUJs) ng 1,000 city buses, para magsilbing mass transportation system ng lungsod.

Ito ang inanunsyo ni Presidential Daughter at Mayor Sara Duterte sa kanyang State of the City Address.

Paliwanag ni Mayor Sara, kinakailangan ng imodernisa ang public transport system ng lungsod dahil sa dami ng tao, at ‘di na kayang ma-accommodate ang mga pasahero na nagreresulta sa pagka-stranded ng maraming tao sa mga lansangan.

Sa pag-aaral na isinagawa, lumalabas na mapapababa sa 29 ang ruta ng ng mga sasakyan na babaybay sa mga daanan mula sa kasalukuyang 120 na ruta ng mga PUJ.

Sa ngayon, tanging Peak Hour Augmentation Bus System (PHABS) ang bumibiyahe sa mga ruta ng Catalunan Grande, Toril, Calinan, Panacan, Lasang, Cabantian, at Buhangin, na panandaliang solusyon sa problema ng masasakyan lalo na tuwing peak hours.

Nanawagan ngayon ang alkalde sa Department of Finance (DOF), na aprubahan na ang naturang proyekto para agad na aarangkada ang mga bus sa mga kalsada ng lungsod.