Davao City Mayor Sara Duterte, pinangunahan ang pamimigay ng tulong-pinansiyal sa mga biktima ng sunog sa Jolo, Sulu

Pinangunahan ni Davao City Mayor Sara Duterte ang pamimigay ng tulong-pinansiyal sa mga biktima ng sunog sa Jolo, Sulu katuwang ang mga opisyal ng Hugpong ng Pagbabago (HNP) ngayong araw.

Kasamang lumipad patungong Jolo ni Mayor Inday si Gov. Claude Bautista ng Davao Occidental at Gov. Anthony Del Rosario ng Davao del Norte upang personal na iabot ang tulong sa mga nasunugan.

Sa taya, nasa mahigit 20,000 indibidwal ang naging biktima ng sunog na sumiklab kamakailan malapit sa boundary ng Barangay Busbus at Barangay Walled City sa bayan ng Jolo.

Sa inilabas na report ng City Information Office o CIO, napag-alaman na ang nasabing tulong ay nakatakdang gamitin upang pondohan ang pagtatayo ng bahay ng mga biktima ng sunog.

Nabuo ang P5 milyong pondo mula sa tig-iisang milyong pisong calamity fund ng Davao Regional Local Government Units, partikular sa Davao City at lalawigan ng Davao Occidental, Davao del Norte, Davao Oreintal at Compostela Valley.

Tinanggap ni Jolo Mayor Kerkher Tan ang tulong-pinansiyal na sinaksihan ni Sulu Vice Gov. Hja. Nurunisah Abubakar Tan, dating Gov. Dr. Sakur Tan at mga opisyal ng nasabing bayan.

“Davao Region will always be a friend to everybody — without distinction and political color”,  sabi ni Mayor Inday.

Nagdala din ang mga opisyal ng HNP ng school bags at school supplies para naman sa mga bata na apektado ng kalamidad.  | ulat ni Peng Aliño/RadyoPilipinas-Davao