Davao City, makikinabang sa pagbisita ni Chinese Pres. Xi Jinping sa bansa

Kinumpirma ni Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio na makikinabang ang Davao City sa naging pagbisita ni Chinese President Xi Jinping sa bansa.

Si Mayor Inday ang nagsilbing first lady kasama ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pag-welcome sa Chinese President noong araw ng Martes, Nobyembre 20.

Ayon pa sa alkalde, kanilang napag-usapan ang dalawang malalaking proyekto para sa lungsod ng Davao – ang Davao Express Way at Davao Samal bridge.

Dagdag pa ng alkalde, na ang nasabing mga proyektong imprastraktura na popondohan ng Chinese government para sa Davao City ay kanilang napagkasunduan sa loob ng dalawang araw na pagbisita ng naturang lider sa Pilipinas.

Maliban sa dalawang proyekto, plano rin ng pamahalaang China ang pagtatayo ng isang tulay na magdudugtong sa coastal road sa Davao City. Ipinaliwanag ng alkalde na hindi ito loan, kundi grant mula sa gobyerno ng China.

Hindi na binanggit ni Mayor Inday ang budget sa konstruksiyon ng tulay, kung saan handa na umano ang China sa pagtatayo ng proyekto, subalit kinakailangang tapusin muna hanggang sa phase 2 ang coastal road project bago pa man masimulan ang tulay na magdurugtong sa coastal road.

Sa kasalukuyan nasa phase 1 pa ang konstruksiyon ng coastal road ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Pero, ipinahayag pa ng opisyal na kanila ring napag-usapan na baka itatayo muna ang tulay kahit wala pang daan.

Umaasa ang alkalde ng Davao na matatapos ang konstruksiyon ng tulay sa loOb ng dalawang taon.

Samantala, sinabi ng opisyal na bago pa man matapos ang termino ni Pangulong Duterte sa taong 2022, masisimulan na ang konstruksiyon ng Davao-Samal Bridge na batay sa disenyo ng proyektong itatayo sa Panacan area ng Davao City papuntang Samal. | ulat ni Ruth Dumandan – Radyo Pilipinas Davao