Davao City, maaaring tamaan ng magnitude 7 na limdol, matapos madiskubre ang Davao Central Fault System

Malaki ang tsansa na tatamaan ng magnitude 7 na lindol ang Davao City kasunod ng pagkadiskubre ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology o (PHIVOLCS) sa Davao Central Fault System.

Sa panayam ng Radyo Pilipinas 1 kay Franz Irag, operation officer ng Office of Civil Defense (OCD) XI, kanyang sinabi na karamihan sa fault line ay matatagpuan sa poblacion o downtown area, at may ilan din sa Talomo.

Batay sa simulation data na ginawa ng Phivolcs, P70-bilyong piso ang mawawala sa ekonomiya ng lungsod habang aabot naman ng hanggang 1,500 indibidwal ang mamamatay, hindi pa kasama sa bilang na ito ang libu-libong katao na masasaktan, at mga istrakturang guguho.

Bunsod nito, naghahanda na ang rehiyon sa posibleng pagtama ng magnitude 7.0 na lindol sa lungsod at binuo ang Regional Disaster Response Plan para sa Davao City, kung saan nakapaloob dito ang uri ng mga aksiyon at aktibidad ng gobyerno.

Gayunpaman, hindi dapat na mag-panic ang publiko, ngunit kailangan laging maghanda at manatiling kalmado at alamin ang mga kailangan gawin sa panahon ng lindol. | ulat ni Dang Sabdani – DXRP Radyo Pilipinas Davao