Davao City, isasailalim sa MECQ simula bukas

Simula bukas, June 5, ay isasailalim sa modified enhanced community quarantine (MECQ) ang lungsod ng Davao.

Base ito sa inaprubahang resolusyon ng Inter-Agency Task Force (IATF).

Sa anunsiyo ni Presidential Spokesperson Harry Roque, tatagal ang MECQ sa Davao City nang hanggang sa June 20.

Ang hakbang ay ginawa ng IATF kaugnay ng ginawang apela ni Davao City Mayor Sara Duterte sa task force, na isailalim sa nasabing quarantine classification ang lungsod bunsod ng naiuulat na pagtaas sa kaso ng COVID-19.

Nitong May 31, nakapagtala ang Lungsod ng Davao ng 1,665 na active cases ng COVID.

Sa kabilang dako, ay aprubado din ng IATF na isailalim sa general community quarantine status ang General Santos City, simula bukas din hanggang June 30, 2021.