Davao City Health Office, umapela sa mga Dabawenyo na tumulong sa pagpapababa ng COVID cases

Sinisikap ngayon ng Davao City Government na ma-address ang surge o mabilis na pagtaas ng bilang ng kaso sa COVID-19 sa lungsod, nang dalawang linggong pagsailalim nito sa modified enhanced community quarantine (MECQ).

Ayon kay City Health Officer at City COVID-19 Task Force Focal Person Dr. Ashley Lopez, maliban sa pagdagdag ng mga temporary treatment and monitoring facility (TTMF) para matulungan ang mas maraming COVID-19 positive, puspusan din ang mas pinaigting na contact tracing sa mga na-expose sa COVID-19 patient at surveillance testing sa mga high risk sector.

Ngunit ayon kay Lopez, importanteng kontribusyon pa rin ang kooperasyon ng mga Dabawenyo para sa tagumpay ng lungsod sa pagpapababa ng kaso ng COVID-19.

Aniya, kung mananatiling relax ang mga Dabawenyo at di susunod sa health protocols, tiyak na magpapatuloy ang pag-akyat ng kaso ng COVID-19, at posible pa umanong ma-extend ang pagsasailalim sa lungsod sa modified enhanced community quarantine.

Kaya patuloy na umaapela si Lopez sa mga Dabawenyo, na hwag magpakampante at ugaliing sundin ang mga health protocols lalong lalo na sa mga pampublikong lugar, at sa workplaces kung saan mataas ang natatalang kaso ng COVID-19.

Sa kasalukuyan, nasa halos 3,000 na ang COVID-19 active cases ngayon sa Davao City matapos madagdagan ng 180 na bagong kaso kahapon.