Davao City Health Office, nag-alok ng free swab test sa security guards

Sinimulan ngayong araw ang libreng swab test para sa mga security guard, sa mga pribadong establisyimento at mga pribadong tanggapan sa lungsod.

Ayon kay Dr. Julinda Acosta, Head ng Technical Division sa Davao City Health Office, kasama sa mga target sa surveillance swabbing ng kanilang ahensya ang mga security guard dahil sila rin ay itinuturing na mga frontliner.

Mataas ang kanilang exposure sa mga tao mula sa labas, dahil sila ang nagsusuri at nagsasagawa ng symptoms check sa customer o kliyente, at exposed din sila sa mga tao sa loob ng establisyimento o opisinang kanilang pinagtatrabahuan.

Ayon kay Acosta, target ng City Health Office na makapag-swab ng 1,200 na security guard sa loob ng dalawang araw ng surveillance testing sa mga gwardya.

Pagkatapos ng libreng swab test para sa mga security guard, sunod na target ng city health office ang mga vendor sa Sasa Public Market, pati na mga sidewalk vendor doon na sisimulan sa March 13, araw ng Huwebes.