Davao City Health Office, inaalam kung saan nakuha ng namatay na bata ang meningococcemia

Nagsasagawa na ng imbestigasyon ang Davao City Health Office (CHO) at Department of Health (DOH) 11 hinggil sa mga lugar na napuntahan ng apat na taong bata na namatay sa meningococcemia noong nakaraang linggo sa isang ospital sa lungsod.

Sa panayam kay CHO head Dr. Josephine Villafuerte, nais nilang malaman ang ruta ng bata bago pa man nito nakuha ang naturang sakit na naging sanhi ng kanyang kamatayan.

Ayon kay Villafuerte, gusto lang nilang malaman ang naging background ng lugar at paano ito nakuha ng bata.

Para naman kay DOH 11 Regional Director Annabelle Yumang, patuloy pa rin ang 10 days monitoring sa lahat ng nakasalamuha ng bata, partikular na ang pamilya, mga kaklase, at maging kapitbahay, para masiguro na hindi na kakalat ang naturang bacteria.

Ayon kay Yumang, sa ngayon wala pang pinapakitang sintomas ng naturang sakit ang mga taong nakasalamuha ng bata.

Nabigyan na rin ng prophylaxis ang mga nakasalamuha ng bata para hindi na ma-develop ang bacteria.

Siniguro naman ni Yumang, na hindi madaling kumalat ang naturang virus dahil hindi ito airborne disease kaya walang dapat ipag-alala ang publiko.