Davao City Acting-Mayor Baste Duterte, sinuspinde ang klase sa ilang paaralan ng lungsod, matapos bahain kagabi 

Sinuspindi ni Acting Davao City Mayor Sebastian Duterte ang ilang paaralan sa lungsod matapos bahain kagabi dulot ng malakas na buhos ng ulan sa mataas na bahagi nito kagabi.

Sa inilabas ni Duterte na Proclamation No 4, sinuspinde nito ang pasok sa Wangan Technical High School sa Calinan District, Balengaeng Elementary School sa Tugbok District, Leon Garcia Elementary School at Talomo Central Elementary School sa Talomo District at ilang pribado at pampublikong eskwelahan sa Calinan, Tugbok at Talomo na apektado ng pagbaha.

Pero nilinaw nito na mga estudyante lang ang walang pasok, habang ang mga guro ay  kinakailangan pa ring pumasok para ihanda ang mga classroom sa pagbabalik ng klase.

Nasa 2,000 ang inilikas na mga indibidwal kagabi, matapos na bahain ang Bangkal, Talomo Proper, Balengaeng, Wangan at Catalunan Pequeno dahil sa malakas na ulan.

Sa panayam ng Radyo Pilipinas-Davao kay City Disaster Risk Reduction Office operations head Rodrigo Bustillo, na hindi na kinaya ng Talomo River Channel ang laki ng volume ng tubig bunsod ng malakas na buhos ng ulan sa Calinan area dahilan na bumulosok ito pababa at nakaapekto sa mga nakatira malapit sa naturang ilog.

Sa ngayon nakabalik na ang mga binahang mga residente matapos bumaba ang baha kaninang madaling araw.

Pero nagbabala pa rin si Bustillo na maghanda pa rin dahil inaasahan pa rin ang malakas na buhos ng ulan ngayong araw dala ng localized thunder storms.