Dating tabloid editor, binaril sa loob ng salon sa QC

Pinagbabaril ang dating news editor ng pahayagang Remate at kasalukuyang advertising manager ng Saksi Ngayon matapos itong pasukin sa kaniyang salon sa Barangay Manresa, Quezon City kanina. 

Dead on the spot sa lugar ng krimen ang biktimang si Gwen Salamida, bunsod ng tama ng bala ng baril sa kaniyang dibdib.

Nasa kritikal na kondisyon naman ang empleyado ni Salamida na si Oliver Perona na binaril din ng hindi pa natutukoy na salarin. Isinugod ito sa Quezon City General Hospital.

Sa inisyal na report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCP), bandang alas-3:35 ng hapon kanina, nang maganap ang insidente sa loob ng pag-aaring Gott Salon and Spa ng biktima na matatagpuan sa No. 191 Kaingid Road, Brgy Apolonio Samson.

Abala umano ang mga biktima sa paglilinis ng salon bilang paghahanda sa pagbubukas ng shop sa nakatakdang pagtatapos ng enhanced community quarantine nang biglang pumasok ang isang lalaki.

Agad umanong nagdeklara ng holdap ang suspek habang nakatutok sa kanila ang baril pero nanlaban ang mga biktima kaya pinaputukan ang mga ito.

Nang duguang bumulagta ang mga biktima ay agad na tumakas ang suspek sakay ng motorsiklo na hindi nakuha ang plaka.

Patuloy na tinutukoy ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan sa suspek habang masusi pang sinisiyasat ang krimen.